Ang iniligtas ay hindi pera o damit o maging kagamitan
Hawak-hawak ay listahan ng pautang sa aming tindahan
Iniisip ang kinabukasan ng mga anak at sinapupunan
Magtali ng sintas at tumingin ng oras
Magkwenta ng sukli at manghuli ng tutubi
Malaking letra sa una, ngalan ko man o kanya
Mag-ingat sa kalsada, tinuro lahat sa pilyong bata
Kasama sa enrolment mula kinder hanggang haiskul
Nagpumilit magpuyat para sa kolehiyo niyang bukol
Nagkabit ng ribbon, pumalakpak sa aking balagtas
Sulit daw ang hirap niya dahil lang sa gradong mataas
Ang pag-ibig ng aking ina ay hindi maipapaliwanag
Kahit nasasaktan, ngiti pa rin ang naaaninag
Ito'y walang katapusan at hindi makasarili
Sapagkat walang makakasira at hindi maikukubli
Matiisin at nagpapatawad kahit ang iba na'y nagsawa
Ipinagyayabang ang bunso kahit 'di naman kahanga-hanga
Hindi nagkukulang kahit puso'y halos mawasak pa
Patuloy sa paniniwala kahit ang lahat ay wala nang tiwala
Lampas langit, singlalim ng dagat, malawak, 'di masukat
Karaming himala, misteryo'y daig pa ang "Believe it or not"
Mauubos ang puno kung sa papel ay isusulat ang lahat
At hindi naman nagmana sa kanya, wala akong kasingtamad
Marami sa mga gawa niya, ngayon ay hindi na niya naaalala
Dahil sa stroke, siya'y nakahiga na lang sa kanyang kama
Maiiksing kwentuhan at pautal-utal niyang pananalita
Kasiyahang wagas ko na ang pagtawa niya nang bahagya
Kung babalikan ko ang mapaghimalang puso ng aking ina
Palagi kong makikita na ang Dios natin ay dakila
Pinili Niya si Nanay Eliang para tiyak ang paglaki ng tama
Nawa sa langit makapagpasalamat sa harapan nilang dalawa
ganda naman po.. :D
Thanks, Patricia Dudang... ^_^