Ang mga
laruan ko'y natatangi sa kanila
Hawak nila'y
plastik na binili mula sa plaza
Ngunit
espada ko'y hinulma ng mapagmahal kong ama
Naaalala ko
pa; Salamat at naaalala ko pa
Kayang-kaya
ni Tatay na hatakin ang apat na baka
Marunong sa
pagsasaka, pagkarpintero't karinderia
Buong sipag
na itinaguyod ni ama ang kanyang mag-iina
Naaalala ko
pa; Salamat at naaalala ko pa
Noong ako'y
hindi pa marunong pumaroon sa eskwela
Kinaiinggitan
ang upuan ko sa kanyang bisikleta
Paghatid-sundo
ni Tatay, kay bunsoy lamang ginawa
Naaalala ko
pa; Salamat at naaalala ko pa
Nang ang
aking mga binti ay namaga at nagka-marka
Dahil sa
pinabayaang kambing, sanga ng ipil ay nakilala
Malinaw ang
turo ni ama, responsibilidad at disiplina
Naaalala ko
pa; Salamat at naaalala ko pa
Nang dahil
sa kakulitan, nawasak ang daliri ko sa paa
Ang kanyang
pag-ibig ay bakas sa kanyang pagkataranta
Humayo sa
ospital, suot ay tsinelas na hindi magkapareha
Naaalala ko
pa; Salamat at naaalala ko pa
Nang aking
hinampas ang likod ng sakitin kong kuya
Hinarap si
Tatay, walang pamalo o sinturong dala
Gamit ang
mga luha, ibinilin ang pag-ibig sa pamilya
Naaalala ko
pa; Salamat at naaalala ko pa
Napaiyak
siya nang ako, sa wakas, ay nakapagtapos na
Pinag-aral ang
walong anak kahit ang isa'y palpak pa
Alam ni ama
ang kahalagahan ng edukasyon at diploma
Naaalala ko
pa; Salamat at naaalala ko pa
Sa unang
araw ng taon, ang bahay ay maingay at masaya
Nagtitipon
ang mag-anak, bitbit ang kanya-kanyang handa
Para parangalan
ang ama na magdiriwang ng kaarawan niya
Ngayong
araw, si Tatay Ben ay pitumpu't limang taon na
Pero hindi
tulad ng dati, katawan nila ngayon ay mahina
Nanggagaling
sa isang malaking tangke ang paghinga
Ang pagkain
ay sa tubo sa ilong sa halip na bunganga
Naalala ko
pa; Salamat at naaalala ko pa
Hindi tulad
ni Tatay, ang mga alaala'y tila nabura
Pati ang
kanyang kaarawan ngayon ay hindi alintana
Tila
nakalimutan lahat, pangalan man namin o kanya
Naalala ko
pa; Salamat at naaalala ko pa
Na ang
makapangyarihang Dios kung umibig ay kusa
Nawa'y
ibigin Niyang lumikha ng bagong puso sa aking ama
Nang maalala
namin ang lahat doon sa bagong langit at lupa