Naaalala ko pa; Salamat at naaalala ko pa
Ang mga laruan ko'y natatangi sa kanila
Hawak nila'y plastik na binili mula sa plaza
Ngunit espada ko'y hinulma ng mapagmahal kong ama

Naaalala ko pa; Salamat at naaalala ko pa
Kayang-kaya ni Tatay na hatakin ang apat na baka
Marunong sa pagsasaka, pagkarpintero't karinderia
Buong sipag na itinaguyod ni ama ang kanyang mag-iina

Naaalala ko pa; Salamat at naaalala ko pa
Noong ako'y hindi pa marunong pumaroon sa eskwela
Kinaiinggitan ang upuan ko sa kanyang bisikleta
Paghatid-sundo ni Tatay, kay bunsoy lamang ginawa

Naaalala ko pa; Salamat at naaalala ko pa
Nang ang aking mga binti ay namaga at nagka-marka
Dahil sa pinabayaang kambing, sanga ng ipil ay nakilala
Malinaw ang turo ni ama, responsibilidad at disiplina

Naaalala ko pa; Salamat at naaalala ko pa
Nang dahil sa kakulitan, nawasak ang daliri ko sa paa
Ang kanyang pag-ibig ay bakas sa kanyang pagkataranta
Humayo sa ospital, suot ay tsinelas na hindi magkapareha

Naaalala ko pa; Salamat at naaalala ko pa
Nang aking hinampas ang likod ng sakitin kong kuya
Hinarap si Tatay, walang pamalo o sinturong dala
Gamit ang mga luha, ibinilin ang pag-ibig sa pamilya

Naaalala ko pa; Salamat at naaalala ko pa
Napaiyak siya nang ako, sa wakas, ay nakapagtapos na
Pinag-aral ang walong anak kahit ang isa'y palpak pa
Alam ni ama ang kahalagahan ng edukasyon at diploma

Naaalala ko pa; Salamat at naaalala ko pa
Sa unang araw ng taon, ang bahay ay maingay at masaya
Nagtitipon ang mag-anak, bitbit ang kanya-kanyang handa
Para parangalan ang ama na magdiriwang ng kaarawan niya

Ngayong araw, si Tatay Ben ay pitumpu't limang taon na
Pero hindi tulad ng dati, katawan nila ngayon ay mahina
Nanggagaling sa isang malaking tangke ang paghinga
Ang pagkain ay sa tubo sa ilong sa halip na bunganga

Naalala ko pa; Salamat at naaalala ko pa
Hindi tulad ni Tatay, ang mga alaala'y tila nabura
Pati ang kanyang kaarawan ngayon ay hindi alintana
Tila nakalimutan lahat, pangalan man namin o kanya

Naalala ko pa; Salamat at naaalala ko pa
Na ang makapangyarihang Dios kung umibig ay kusa
Nawa'y ibigin Niyang lumikha ng bagong puso sa aking ama
Nang maalala namin ang lahat doon sa bagong langit at lupa

Categories:

0 Response for the "Naaalala Ko Pa (on the 75th Birthday of Tatay Ben)"

Post a Comment

Related Posts with Thumbnails